BAKIT ‘DI GAYAHIN NG PINAS ANG ARGENTINA?

DPA ni BERNARD TAGUINOD

KUNG nais ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na makapag-iwan ng legasiya at hindi siya maalala bilang “budol president” ay gayahin niya dapat ang presidente ng Argentina na si Javier Melei.

Sa loob lang ng isang taon, naiangat ni Melei ang ekonomiya ng Argentina at sila na ngayon ang ikalawa sa biggest economy ng South America dahil pag-upong pag-upo niya ay tinupad niya ang kanyang election promise na tanggalin ang mga ahensya ng gobyerno na walang silbi at binawasan ang pinagkakagastusan ng kanilang gobyerno.

Sa loob lamang ng isang taon, 30% ang nabawas sa gastos ng kanilang gobyerno dahil itinigil din niya ang mga proyektong walang pakinabang sa kanyang mga kababayan, na ugat lang ng korupsyon at natapyasan ng 300% ang inflation rate.

Dapat gawin na rin ito ng kasalukuyang administrasyon sa ating bansa para hindi mabaon sa utang ang mga Filipino at makaahon sa hirap ang mga tao dahil sa ngayon, hirap na hirap na sila sa hindi maawat na paglobo ng inflation rate o pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Sa huling report, P16.090 trillion na ang utang ng Pilipinas o halos P3 trillion na ang inutang ni Junior sa unang dalawang taon nito sa kapangyarihan at kapag hindi maghinay-hinay ay baka aabot ng P9 trillion ang kanyang idaragdag na utang pagkatapos ng kanyang termino sa 2028.

Baka mas malaki ang uutangin niya kumpara sa halos P7 trillion na inutang ni dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil bago siya naupong pangulo noong 2016 ay P5.948 trillion lang ang utang ng bansa pero pagbaba niya noong 2022 ay naging P13.52 trillion na.

Kaya kailangan na natin ang isang Javier Melei style na pamumuno para hindi lalong mabaon sa utang ang ating bansa na pagdudusahan din ng susunod na mga henerasyon. Hindi pa sila ipinanganganak ay may utang na sila.

‘Yung planong pagbabawas ng mga tao sa burukrasya ay mukhang nagkalimutan na dahil wala na tayong naririnig tungkol dyan. Mukhang walang political will talaga ang pangulo na alisin ang mga taong gobyerno na pareho-pareho ang trabaho at walang silbi sa kanilang opisina.

Dapat na ring itigil ang paggawa ng flood control projects na alam naman natin na walang silbi at sa halip ay naging ugat lang ito ng korupsyon sa hanay ng mga politiko kaya talong-talo ang taxpayers dito.

Maraming proyekto ang walang silbi at maging ang maayos na mga kalsada ay pinopondohan kada taon, kaya walang tigil ang konstruksyon dahil kailangang sirain ang maayos pang highways dahil kung hindi ay hindi magagamit ang pondong inilaan dito.

Napakalaking halaga rin ang inilalaan sa iba’t ibang ayuda ng gobyerno na alam naman natin na ginagamit ng mga politiko para sa kanilang sariling interes upang masiguro na hindi sila mawawala sa puwesto. Dapat na rin itong tanggalin.

Malaki ang maibabawas sa gastusin ng gobyerno kung hindi itutuloy ang mga ganitong proyekto at programa pero mukhang hindi mangyayari dahil walang political will ang mga nakaupo sa Malacañang.

50

Related posts

Leave a Comment