RAPIDO ni PATRICK TULFO
HINDI na nakagugulat ang deklarasyon na ginawa ni VP Sara Duterte sa kanyang intensiyon na tumakbo sa pagkapangulo sa darating na 2028 elections.
Ang kuwestiyon lang na tumatakbo sa isip ng karamihan ay ang timing nito dahil napaaga yata ang deklarasyon ng Pangalawang Pangulo.
Dahil sa kasaysayan ng pulitika sa atin, ay isang political suicide ang maagang pagdeklara ng pagtakbo sa pinakamataas na posisyon sa bansa. Dahil magiging target ang kandidato ng mga paninira na manggagaling din sa mga magiging katunggali nito.
Ganyan ang nangyari sa karera nina dating Vice President Jejomar “Jojo” Binay at dating Senate President Manny Villar na maagang nagdeklara na sila ay tatakbo sa pagkapangulo noon at inulan ng mga batikos at paninira kaya hindi nanalo ang mga ito.
Pero bakit nga ba maagang nagdeklara si VP Sara Duterte ng kanyang intensiyon na siya ay tatakbo sa pagkapangulo sa 2028? Ayon sa opinyon ng ilang political analyst, maaaring may kinalaman ito sa ikaapat na impeachment na isinampa laban sa kanya sa Kamara.
Mukhang gagamitin daw ng kampo ng Bise Presidente ang anggulo na political persecution upang ipakita sa mga botante na ito ang dahilan ng impeachment complaints na isinasampa laban sa kanya.
Sabagay, magandang istratehiya ito kung pagbabasehan ang pinakahuling trust rating surveys na inilabas ng Octa Research at Pulse Asia kung saan nakita na mas mataas pa rin ang trust rating ni VP Sara kaysa kay Pangulong Bongbong Marcos.
Mayroon din daw elemento ng pananakot sa mga miyembro ng Kongreso kung matutuloy na ang impeachment, dahil para bang sinasabi ni VP Sara Duterte na kapag nanalo siya sa halalan ay may paglalagyan ang mga mambabatas na umuusig sa kanya.
Samantala, kasabay ng pag-anunsyo ni VP Sara ng kanyang intensiyon na tumakbo ay ang pagtanggi ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte na kilalanin ang hurisdiksyon ng ICC sa mga kasong isinampa sa kanya.
Ngayon palang ay nakikita na ang naratibo kung saan ang direksyon ng magiging kampanya ni VP Sara.
2
