BAKIT MAY DUDA SA MGA AKUSASYON NI BERNARDO?

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

TAPOS na ang Pasko at pumasok na ang 2026, ngunit nananatiling walang napapanagot sa sinasabing trilyong pisong katiwalian sa flood control projects sa kabila ng pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ikukulong ang mga mandarambong bago matapos ang 2025.

Wala ring malinaw na pag-usad ang mga kaso, lalo na iyong may mga kinalaman sa mga makapangyarihang personalidad tulad ni dating House Speaker Martin Romualdez. Isa sa mga dahilan ay ang tila pagsasantabi sa mahahalagang testimonya at matitibay na ebidensya. Sa halip na pagtuunan ng pansin ng Office of the Ombudsman ang video revelations ng dating kongresistang si Zaldy Co na tahasang itinuturo sina Marcos Jr. at Romualdez bilang umano’y mga mastermind, tinawag si Co na “pugante.”

Hindi rin nalalayo rito ang sinapit ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya. Bukod sa hindi sila isinama sa Witness Protection Program ay ikinulong pa si Sarah, habang tuluyang binalewala ang salaysay ni Sgt. Orly Guteza na nagsabing naghatid siya ng mga maletang puno ng pera kay Romualdez.

Sa puntong ito, makatwiran nang itanong kung ano ang ginagawa ng Department of Justice at ng Office of the Ombudsman na pinamumunuan ni Jesus Crispin Remulla. Sa halip na ituon ang imbestigasyon sa mahahalagang lead at dokumento, may lumalabas na obserbasyon na mas abala ang mga opisyal sa pagbuo ng isang bersyon ng kwento na maglilinis kina Marcos Jr. at Romualdez, habang may hinahanap na maaaring itulak bilang mga fall guy.

Dahil dito, hindi na rin nakagugulat kung bakit mas pinahahalagahan ang mga pahayag ni dating DPWH Usec. Roberto Bernardo at ng grupong BGC Boys na pinangungunahan ni Henry Alcantara. Sa kanilang mga salaysay ay kapansin-pansing wala ang pangalan nina Marcos Jr. at Romualdez, ngunit may ibang itinuturo kahit walang sapat na ebidensya, na siyang dahilan ng pagtutol ng mga abogado nina Sen. Joel Villanueva at dating Sen. Bong Revilla.

Ayon kay Atty. Ramon Esguerra, pabagu-bago at hindi nagtutugma ang mga kwento ni Bernardo. Sa bawat dagdag na affidavit ay may panibagong direksyon na tila paulit-ulit na inaayos ang istorya.

Para kay Esguerra, ang mga akusasyon ni Bernardo ay eksaktong hulma sa direksyon ng imbestigasyon nina Remulla, isang daan na may mga pinipiling iligtas habang dinidiinan ang mga wala namang matibay na kasalanan.

“One original [affidavit], then a supplement [affidavit], then another supplement. So, kung ganu’n, pabagu-bago ang istorya mo…bakit hindi mo isahin ‘yung istorya? Palaging mayroong pinagtatakpan, kaya ‘yung narrative nila, hindi mo maintindihan,” aniya.

Limang affidavit ang naisumite ni Bernardo, isang pangunahing salaysay at sunud-sunod na supplements. Para sa sinomang nag-aaral ng batas, malinaw itong babala. Bakit kailangang paulit-ulit ang dagdag? May bagong ebidensya ba talaga o may nagdidikta kung sino ang dapat idiin at sino ang dapat iligtas?

Hindi kakulangan ng ebidensya ang suliranin. Ang tunay na problema ay ang pagpili kung kanino makikinig, kay Bernardo at sa BGC Boys, at kung aling testimonya ang isasantabi, gaya ng kay Co, sa mag-asawang Discaya, at kay Sgt. Guteza.

Hangga’t mas mahalaga ang narrative kaysa ebidensya, hindi hustisya ang kalalabasan kundi isang palabas na matagal nang malinaw ang wakas.

158

Related posts

Leave a Comment