BAKIT NGAYON LANG?

HINDI na bago sa Department of Health (DOH) ang pagsagupa laban sa nakamamatay na ­karamdamang kalakip ng pagpasok ng tag-ulan – leptospirosis, malaria at maging ang dengue.

Sa nakalipas na mga panahon, karaniwang ­naghahanda ang kagawaran bago pa man ­dumating ang takdang pagsapit ng tag-ulan. Pero dahil sa halalan, tila nakaligtaan ang nakaambang peligrong dala ng mga karamdamang sumusulpot pagkatapos ng tag-araw.

Ayon kay Health Undersecretary ­Rosario ­Vergeire na tumatayong officer-in-charge, ­tinitingnan na nila ang posibilidad ng muling ­paglulunsad ng isang malawakang pagbabakuna kontra-dengue.

Maliban sa Dengvaxia na una nang binawian ng Certificate of Product Registration ng Food and Drugs Administration (FDA), kabilang sa ­pinagpipilian ay nasa 23 klase ng dengue vaccines sa talaan ng World Health Organization (WHO).

Ang totoo, maagap naman si Vergeire na kagyat umaksyon isang araw pagkatapos siyang hiranging OIC ni Pangulong Ferdinand Mar­cos Jr.

Susmaryosep! Kung hindi pa itinalagang pansamantalang tagapangasiwa si Vergeire, hindi pa kikilos ang naturang departamento. Ano pa ang silbi ng regional directors?

Sa datos ng ahensya, lumalabas na umabot na sa 64,797 ang naitalang kumpirmadong kaso ng dengue mula Enero hanggang Hunyo – anim na buwang dapat sana’y ginugol sa paghahanda ng DOH na noo’y pinamumunuan ni Dr. Francisco Duque III.

Sa isang banda, mukhang ang dating kalihim na si Dr. Duque ang nagpabaya. Dangan naman kasi, sa unang tatlong buwan pa lang ng 2022, nakita na ang malaking diperensya sa pagitan ng mga datos na naitala noong Enero hanggang Marso ng 2021 at unang tatlong buwan ng kasalukuyang taon. Mas mataas ng 90%.

Maliban sa Ilocos at Caraga, lahat ng rehiyon sumipa ang bilang ng mga pasyenteng ­kontaminado. Ang masaklap, karamihan sa mga biktima ay mga batang dapat sana’y unang binigyang proteksyon ng ating gobyerno.

Nakalulungkot isipin ang pinalagpas na pagkakataong makapaghanda laban sa nakaambang peligro dahil lang sa kapabayaan ng mismong tagapamuno.

Sana lang hindi na maulit pa ang bangungot ng Dengvaxia.

131

Related posts

Leave a Comment