BAKIT SI YORME ISKO?

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

SA mga town hall meeting, meet and greet sa iba’t ibang barangay at kuwentuhan sa kalye e iba talaga ang sinasabi ng tunay na survey sa mga tinanong na mga Batang Maynila — bukod pa ito sa tanong ng mga commissioned political survey.

Opo, totoong-totoo ito, at talagang tunay na mas marami ang naniniwala na karapat-dapat na ibalik na alkalde ng Maynila si Francisco ‘Yorme Isko Moreno’ Domagoso sa 2025 midterm elections.

Iisa ang sinasabi ng maraming nakausap, sumagot sa tanong kung bakit si Isko ang gusto nila ulit na maging mayor ng Maynila.

Si Yorme Isko kasi may napatunayan na at ‘di lang kuda at pangako ang narinig sa kanya noong ito pa ang may timon ng bangka ng Manila City government.

Iyung ibang kandidato, kuda lang at pangako ang naririnig nila: walang saysay, walang nakikita, wala lang, sabi nga sa kanto: salitang walang gawa, ang resulta — nganga ang taumbayan.

Noong alkalde si Isko ay may mga pruweba at may mga nakita at nagawang magagandang proyekto sa housing, education, health, etc.

Noong kasagsagan ng COVID-19, dahil maagap at masipag sa pagkilos si Yorme Isko ay ilang daang libong Manilenyo ang nailigtas sa perwisyo at kamatayang dala ng pandemya.

Daming nawalan ng trabaho noon gawa ng pandemya, pero sa maraming proyektong pabahay, infra projects, nabigyan ng hanapbuhay, nabuhay ang pag-asa, naibsan ang hirap ng jobless Manileno.

Tax incentives, tax holidays, mabilis na approval ng mga dokumento sa pagtatayo ng negosyo ang ipinatupad ni Moreno sa city government para sa nalugi at nagsarang negosyo.

Kaya nakapagbukas uli, nakabangon uli ang naluging mga negosyante, at naengganyo ang lokal at dayuhang investor.

Alam ni Yorme Isko ang epekto ng ganitong estratehiya sa ekonomya: aniya, may multiplier effect ang magaan na paglalakad ng permiso sa negosyo at maluwag na pautang sa buhay at kabuhayan ng tao.

Kaya sa kakayahan, diskarte at talinong ito ni Kois kumbinsido ang mga Batang Maynila na dapat nang ibalik itong alkalde.

***

Naniniwala ang mga Batang Maynila na kung si Yorme Isko ang may timon sa City hall ay madaragdagan pa ang mga proyektong pabahay na tulad ng Tondominium 1 and 2 at iba pang magagandang housing project, Base Community na kumpleto sa paaralan, recreation area at iba pa.

Kung mayor si Isko anila, maisasaayos ulit ang mga napabayaang lugar na hindi nagampanan ni Mayora Honey Lacuna at mga opisyales nito.

Naniniwala at buo ang tiwala ng mga taga-Maynila na kung si Kois ang mayor ay makapagpapatayo ito ng mga karagdagang ospital, health centers, at iba pang pasilidad ng gamutan sa siyudad ng Maynila, kaya iboboto uli ng mga tinanong si Yorme Isko bilang alkalde sa 2025 mayoral elections.

***

Kung si Isko ang mayor, anila, tiyak uunahin nito ang pagkakaroon ng mga de kalidad na paaralan sa elementarya at high school na kumpleto sa computer at may air-conditioning pa, etc.

‘Yung Bilis-Kilos na plataporma de gobyerno ni Isko, sa awa ng Diyos, basta naging mayor ulit si Isko ay mararamdaman sa buong Maynila.

Mangyayari muli ang unti-unting pag-angat ng Maynila kung si Kois ang mayor.

Siguradong ibabalik sa katinuan ang city hall ‘pag si Yorme Isko ang alkalde at buburahin ang red tape; titiyaking mabilis na ang registration, tax incentives, mabilis na ang permit at licenses; transparent na transaksyon sa kontrata sa city government.

Mangyayari ito, at ito ang pag-asa at gagawin ng maraming botante ng Manilenyo. Masisiguro na mangyayari ang lahat ng ito, kung si Isko ang pipiliing mayor ng Maynila sa 2025 midterm elections.

***

Marami tayong batas para labanan ang korupsyon, tulad ng pagtatatag ng Office of the Ombudsman (Republic Act No. 6770); RA No. 7055; mabibigat na batas sa Revised Penal Code; RA No. 7080 o batas laban sa pandarambong (plunder) na magpaparusa sa gawaing kriminal laban sa mga taong gobyerno sa pagnanakaw ng halagang 50 milyong piso o higit pa.

Nariyan ang RA No. 8249 na magpapalakas ng kapangyarihan sa Sandiganbayan; nariyan pa ang Civil Service Commission (CSC) na inatasang magtatag ng mahusay na sistema upang mapabuti ang serbisyo at katapatan ng mga taong gobyerno at binigyan ng kapangyarihan magtanggal, magsuspinde at magsampa ng mga kaso upang mapanagot at maparusahan ang mga tiwali sa serbisyo publiko.

Nariyan pa ang Commission on Audit (COA) na watchdog o tagabantay at tagasuri sa kung paano ginagastos ang salapi ng pamahalaan; at bukod pa nga sa Sandiganbayan na umuusig at nagpaparusa sa mga korap, naririyan pa ang mga korte, Court of Appeals at ang Supreme Court.

Bukod pa rito, may mga ahensiya at yunit ang PNP, DOJ at National Bureau of Investigation (NBI) at maraming anti-graft and corrupt office na nililikha ang administrasyon para mag-imbestiga at magrekomenda ng mga kasong isasampa laban sa mga mandurugas sa pera at tiwala ng bayan.

Nandiyan pa ang Kongreso at Senado na magsasagawa ng mga imbestigasyon ukol sa katiwalian at kriminalidad na kailangan sa paggawa ng mga batas.

Masasabing hindi kulang kundi sobra pa nga ang mga batas laban sa korupsiyon at kabulukan sa serbisyong bayan.

Labis na ang mga batas natin laban sa mga tiwali at kriminal pero bakit sa halip na masugpo at mabawasan ang korupsiyon, lalo pang tumitindi at nagiging mas matapang ang mga korap sa Pilipinas?

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.

18

Related posts

Leave a Comment