BAKUNA NG PFIZER WALA PANG KATIYAKAN

SINABI ni Vaccine czar Carlito Galvez Jr. na hindi dapat umasa ang publiko na darating na sa bansa sa lalong madaling panahon ang bakunang Pfizer.

Tanging Sinovac ang kasalukuyang available na bakuna na nasimulan nang iturok sa mga medical worker.

Ani Galvez, wala nang aasahang Pfizer na paparating ngayong 1st quarter dahil napakataas ng demand nito sa international market.

“And we should not expect na iyong Pfizer ay darating sa madaling panahon dahil kasi nakita natin na halos lahat ng bansa ang kinukuha nila ay ang Pfizer at saka Moderna and also AstraZeneca. Iyon po ang masasabi ko lang po sa ngayon,” ayon kay Galvez.

At sakali man, ayon sa Kalihim na may dumating na Pfizer sa Pilipinas sa 2nd quarter ay manggagaling ito sa COVAX facility at hindi sa procurement na baka tumagal pa ng 3rd o 4th quarter.

“Ang nakikita natin, baka doon sa second quarter, iyong COVAX ng Pfizer ang makukuha but not on the procurement. Kasi sa procurement, ang sinasabi nga nila initially, third quarter at saka fourth quarter kasi wala na silang supply,” anito. (CHRISTIAN DALE)

128

Related posts

Leave a Comment