INAMIN ng Malakanyang na may dalawang opisyal ng pamahalaan ang naturukan ng COVID-19 vaccine kahit wala ang pangalan sa priority list.
Gayunman, sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na ” in good faith” ang pagkakabakuna kina Interior Assistant Secretary
Jonathan Malaya at Metropolitan Manila Development Authority public services head Michael Salalima sa Pasay General Hospital.
Aminado naman si Sec. Roque na nagkaroon ng mga paglabag sa inoculation strategy ng bansa.
“The two, in good faith, thought that they were doing the nation a service by having themselves vaccinated kasi nga, mataas pa iyong tinatawag nating distrust sa bakuna,” ayon kay Sec. Roque.
“Upon being prodded and being offered, and guided by their desire to increase public confidence in the vaccine, nagpabakuna po sila,” aniya pa rin.
Sinabi ni Sec. Roque na hindi aware si Malaya na pinagbabawalan ng advisory group ang mga opisyal ng pamahalaan na nagsisilbing “influencers” na maunang mabigyan ng COVID-19 shots.
Dapat kasi aniya ay ang health workers ang mauuna sa gitna ng limitadong suplay ng bakuna.
Ani Sec. Roque, muntik-muntikan na rin siyang mabakunahan sa Philippine General Hospital subalit dahil sa kakapusan ng suplay ay hindi siya naturukan ng Sinovac.
“Everyone should now know na talagang itong mga naunang dumating na mga bakuna ay para sa mga medical frontliners lamang,” ang pahayag ni Sec. Roque.
“Pero ngayon tingin ko malinaw na ‘yan. Okay, hindi po tayo perfect sa pagpapatupad nitong protocol. Nagkaroon tayo ng kakaunting breaches. Pero we have learned from the breaches,” dagdag na pahayag nito. (CHRISTIAN DALE)
