BALA ang ibinayad ng tenant sa kanyang kasera nang mairita sa paniningil ng renta sa inuupahang bahay sa Tondo, Manila, iniulat ng pulisya nitong Biyernes.
Hindi naisalba ng mga doctor ng Mary Johnston Medical Center ang biktimang si Ronaldo Chiapoco na tinamaan ng bala sa leeg at kaliwang bahagi ng katawan.
Mabilis namang nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Manila Police District at natimbog sa Blk.15, Lot 22, Celina Subdivision, Malagasang, Imus Cavite ang suspek na si Jeremy Norada, 26, ng #150 Sardonyx St., Tondo.
Batay sa ulat ni Det. Mark Daniel de Guzman, ng MPD-Homicide Section, nangyari ang insidente bandang alas-12:30 ng hapon noong Huwebes sa nabanggit na lugar.
Ayon sa saksing si Benjamin Victoria, 60, tiyuhin ng biktima, nakita niya ang kanyang pamangkin at ang suspek na nagtatalo dahil sa hindi nabayarang renta sa bahay na pag-aari ni Chiapoco.
Habang nagtatalo, bumunot umano ng baril ang suspek at dalawang beses na binaril ang biktima. (RENE CRISOSTOMO)
