BALIGOD, ’18 MALETA SOLDIERS’, IBA PA KINASUHAN SA DOJ

DUMULOG sa Department of Justice (DOJ) si dating Senador Antonio Trillanes IV upang magsampa ng mga kasong kriminal laban sa ilang personalidad kaugnay ng umano’y gawa-gawang International Criminal Court (ICC) bribery scheme.

Kabilang sa mga kinasuhan sina Atty. Levito Baligod, dating Cong. Mike Defensor, broadcaster Jay Sonza, dating NTF-ELCAC spokesperson Lorraine Badoy, vlogger Cathy Binag, at labingwalong indibidwal na tinukoy na “ex-marines.”

Ayon kay Trillanes, bahagi umano ito ng planong idawit siya sa isang pekeng bribery scandal na kinasasangkutan ng mga imbestigador ng ICC.

Kabilang sa mga kasong isinampa laban kay Baligod ang cyberlibel at paglabag sa batas na Incriminating an Innocent Person dahil sa umano’y magkasalungat at mapanirang pahayag kaugnay ng sinasabing dalawang milyong dolyar na cash transfer at akusasyon ng kidnapping.

Samantala, sina dating Kongresista Mike Defensor, broadcaster Jay Sonza, dating NTF-ELCAC spokesperson Lorraine Badoy, at vlogger Cathy Binag ay kinasuhan din dahil sa umano’y papel sa pagpapalaganap ng naturang mga alegasyon.

Nahaharap naman sa kasong perjury ang labingwalong indibidwal na tinukoy na “ex-marines” dahil sa umano’y pagbibigay ng maling testimonya kaugnay ng isyu.

Iginiit ng dating senador na layunin umano ng mga alegasyon na sirain ang kanyang reputasyon at pahinain ang mga proseso kaugnay ng imbestigasyon ng ICC.

(JULIET PACOT)

84

Related posts

Leave a Comment