1 PATAY, 3 SUGATAN SA SUNDALO

ISANG tauhan ng Philippine Army ang nahaharap sa kasong pagpatay sa 54-anyos na padre de pamilya, at ikinasugat ng tatlong iba pa sa Passi City, Iloilo nitong nakalipas na linggo.

Ayon sa police report, kinilala ang napaslang na si Greg Palomaria Sr., 54, residente ng Barangay Aglalana lungsod ng  Passi  kung saan nangyari ang insidente.

Habang sugatan naman sa insidente ang mga anak ng biktima na sina Greg Palomaria Jr., 22; Mark Palomaria, 30, at isang 17-anyos na lalaki.

Agad namang nadakip ng Passi PNP ang sundalong namaril at ang kapatid nito na sinasabing sangkot din sa gulo.

Ayon sa Passi Police, may alitan ang dalawang panig na nagsimula nang saktan umano ng pamilya Palomaria ang isa sa mga suspek noong Oktubre.

Lumilitaw sa pagsisiyasat, hinarang umano ng suspek at kapatid nito si Greg Jr., na dumaan sa harap ng kanilang bahay sakay ng isang motorsiklo at tinangka pang hatawin.

Mabilis na  bumalik si Greg Jr. kasama ang ilang kamag-anak para komprontahin ang magkapatid na agad na nauwi sa gulo hanggang sa namaril na umano ang isa sa kanila na miyembro ng Philippine Army.

Agad dinala ng mga residente sa ospital ang mga biktima pero idineklarang dead on arrival si Greg Sr. dahil sa mga tama ng bala sa katawan habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang mga nasugatan. (JESSE KABEL RUIZ)

42

Related posts

Leave a Comment