100 PATROL BIKES IPINAMAHAGI SA MPD COPS

KASABAY ng pagkakaloob ng 100 patrol bikes ng mga miyembro ng Association of Police Officers Lateral Entry (APOLE), nagpaalala ang tinaguriang  ‘The game changer’ na si Manila Police Director Brig. General Andre Perez Dizon sa kanyang mga tauhan na pairalin ang disiplina sa sarili sa pagdiriwang at pagsalubong sa Bagong Taon.

Bandang alas-9:00 ng umaga nang basbasan ang 100 bisikleta kasunod ang mensahe ng heneral na dapat umanong isipin ng kanyang mga tauhan kung gaano kahirap pumasok sa serbisyo at kung gaano kahalaga ang pinasok nilang propesyon.

“Sa bawat isa sa kanila, sila ay may tungkulin na magpakita ng disiplina at maging ehemplo sila ng pagtupad sa batas,” pahayag ni Gen.Dizon

Bukod dito, sinabi pa ng heneral na ang pulis-Maynila ay dapat maging asset ng kanilang komunidad .

Aniya, hindi sila dapat kinatatakutan bagkus sila ay kaibigan at idolo ng nasa paligid nila o mga kapitbahay nila.

Ang naturang mga bisikleta ay gagamitin sa pagpapatrulya sa buong Maynila, hindi lamang ngayong panahon ng Kapaskuhan kundi sa lahat ng panahon at pagkakataon para sa ligtas at payapang pamayanan. (RENE CRISOSTOMO)

45

Related posts

Leave a Comment