QUEZON – Umakyat na sa 124 katao na mula sa 51 pamilya, ang inilikas dahil sa biglaang paggalaw ng lupa sa Barangay Matinik, sa bayan ng Lopez sa lalawigan noong Sabado ng gabi hanggang Linggo ng umaga.
Nasa barangay hall ngayon ang mga residente at binawalan ng mga awtoridad na bumalik muna sa kanilang mga bahay dahil hanggang kahapon ay nararamdaman pa ang mga pagyanig.
Bukod sa 15 bahay na nasira, dalawang classroom ng Matinik Elementary School ang nagkaroon ng pinsala at apektado rin ang kanilang electric at water supply.
Maging ang riles ng PNR sa lugar ay marami ang bumaluktot at ang provincial road ay hindi pinadadaanan sa malalaking sasakyan matapos maapektuhan din paggalaw ng lupa.
Isinailalim na ang barangay sa state of calamity.
Nasa lugar na ngayon ang team ng DENR – Mines and Geosciences Bureau upang upang magsagawa ng ocular inspection at alamin ang ugat ng paggalaw ng lupa na nangyari sa kabila na hindi naman umuulan sa lugar.
Bagama’t ayon sa kapitan ng barangay na si Asher Mabalatan, nakaranas ng malalakas na pag-ulan ang kanilang lugar noong nakaraang mga araw.
Nagresponde na rin ang provincial government ng Quezon at Lopez LGU para asistihan ang mga naapektuhan ng pangyayari.
Nagsasagawa na ng assessment ang DPWH 4th District Engineering Office sa kalagayan ng naapektuhang mga kalsada. (NILOU DEL CARMEN)
6