2 LALAKI TIMBOG SA PAGSIPSIP NG KRUDO

NAAKTUHAN ng driver ng Department of Public Safety (DPS) ng Manila City Hall, ang dalawang lalaki habang sinisipsip ang krudo mula sa tangke ng kanilang truck sa Malate, Manila nitong Sabado ng umaga.

Kinilala ang mga suspek na sina John-john Arcilla, 29, alyas “Epong”, miyembro ng Bahala Na Gang (BNG) at Philip Tigtig, 30, alyas “Nognog”, kaanib ng Batang City Jail (BCJ).

Batay sa ulat na nakarating kay Police Lieutenant Colonel Salvador Tangdol, commander ng Manila Police District-Malate Police Station, bandang alas-12:30 ng madaling araw nang sipsipin ng mga suspek ang krudo sa tangke ng truck ng DPS, na naka-park sa harapan ng Rizal Memorial Stadium sa Adriatico St. sa Malate.

Bunsod nito, agad nagsagawa ng follow-up operation sina Police Corporal Billy Rey Tagupa at Police Corporal Marlon Operaña, kapwa nakatalaga sa Adriatico Police Community Precinct, kasama ang mga barangay tanod na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.

Nakumpiska sa mga suspek ang adjustable wrench at isang container na may lamang 6 litro ng krudo na nagkakahalagang ng P480. (RENE CRISOSTOMO)

27

Related posts

Leave a Comment