2 NALUNOD SA ILOG SA CAVITE

CAVITE – Nalunod ang isang 20-anyos na lalaki at isang construction worker makaraang maligo sa ilog sa magkahiwalay na lugar sa lalawigang ito, noong Linggo ng hapon,

Idineklarang dead on arrival sa San Lorenzo Hospital ang biktimang si Arvi Hornales y Bendo, ng Brgy. Garita B, Maragondon, Cavite habang sa Emilio Aguinaldo Hospital dinala si Adonis Verdes, 35, construction worker, ng Southville Phase 1, Brgy. Inocencio, Trece Martires City ngunit hindi rin umabot nang buhay .

Ayon sa ulat ni P/SSgt. Lenon Joy Pong-et ng Maragondon, Cavite, nagkayayaan umano ang biktimang si Hornales at mga kaibigan nito na maligo sa ilog na sakop ng Pinagsanhan-B, Maragondon, Cavite dakong alas-4:00 ng hapon.

Napadpad umano ang biktima sa malalim na bahagi ng ilog subalit hindi na nakayanang lumangoy pabalik sa mababaw na bahagi na naging sanhi ng kanyang pagkakalunod. 

Sa imbestigasyon naman ni P/SSGT. Bryan Jay Comia ng Trece Martires City Police, nag-inuman si Verdes at ang kanyang mga kasamahan sa trabaho sa gilid ng ilog na sakop ng Brgy. Cabezas, Trece Martires City, Cavite nang mapansin nila ang biktima na nakalutang sa gitna ng ilog dakong alas-8:00 ng gabi. 

Agad nilang iniahon ang biktima at isinugod sa Emilio Aguinaldo Hospital subalit idineklarang dead on arrival. (SIGFRED ADSUARA)

198

Related posts

Leave a Comment