QUEZON – Dalawang hinihinalang miyembro ng New People’s Army ang napatay sa sagupaan ng mga rebelde at tropa ng militar sa bayan ng General Nakar sa lalawigang ito, noong Lunes.
Ayon sa report ng General Nakar Police, nangyari ang engkwentro dakong alas-4:00 ng hapon sa bulubunduking bahagi ng Sitio Angelo, Brgy. Umiray.
Nagsasagawa ng Operation Target Packet “Gold Dust” ang isang section ng Army mula sa 80IB, ng 2ID, sa pamumuno ng isang Ssgt. Isagani Bergonio, nang makasagupa ng mga ito ang hindi matiyak na bilang ng mga rebelde.
Tumagal ang palitan ng putok hanggang dakong alas-7:00 ng gabi hanggang sa umatras ang mga NPA patungong southwest direction.
Nasabat naman ng isa pang section ng army na pinamumunuan ni 1Lt. Ronyl Duka, ang tumatakas na mga rebelde at muling nagkabakbakan.
Nang tumigil ang putukan, dalawang hinihinalang NPA ang natagpuang wala nang buhay sa lugar ng engkwentro. (NILOU DEL CARMEN)
