2 RIDER PATAY SA TRUCK SA LAGUNA

LAGUNA – Dalawang motorcycle rider ang namatay samantalang isang babaeng backrider ang sugatan sa magkahiwalay na aksidente na kinasangkutan ng motorsiklo ng mga biktima sa San Pablo City at sa Alaminos, Laguna noong Lunes.

Ayon sa report ng Laguna PNP, kapwa truck ang nakabanggaan ng dalawang motorsiklo na parehong nangyari sa kahabaan ng Maharlika Highway.

Sa unang aksidente sa bayan ng Alaminos dakong 12:20 ng tanghali, namatay ang rider na si Noli Tabilog matapos na sakupin nito ang linya ng kasalubong na dump truck na minamaneho ni Paz Gabay.

Dead on the spot ito matapos na mabangga ng truck at grabeng sugatan sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Samantala, dakong alas-8:30 naman ng gabi nang masalpok ng trailer truck ang motorsiklong minamaneho ng 19-anyos na si Erwin Batralo na mula sa isang kalsada ay biglang tumawid papasok sa Maharlika Highway sa Brgy. San Ignacio, San Pablo City.

Dahil sa biglaang pangyayari, hindi na nakapagpreno ang driver ng trailer truck na si Jonathan Javier Gamboa at nahagip nito ang motorsiklo.

Sa lakas ng impact, tumilapon si Batralo at ang backrider nitong 23-anyos na si Maria Kristal Calabia, at parehong bumagsak sa sementadong kalsada.

Kapwa isinugod ng sumaklolong mga tauhan ng CDRRMO ang dalawa sa Pagamutang Panlalawigan ng Laguna subalit idineklarang dead on arrival ang driver.

Parehong ikinustodiya ng mga awtoridad ang dalawang driver ng truck habang patuloy ang imbestigasyon sa dalawang aksidente.

(NILOU DEL CARMEN)

189

Related posts

Leave a Comment