QUEZON – Patay ang dalawang magkaanak na umano’y tulak ng ilegal na droga matapos tambangan ng dalawang gunman habang magkaangkas sa motorsiklo sa bayan ng Tiaong sa lalawigang ito, noong Linggo ng umaga.
Kapwa dead on the spot ang mga biktimang sina Manuel Roxas Pansoy, 51, at Randy Villanueva Roxas, 26, kapwa construction workers, at mga residente ng Brgy. Lusacan, Tiaong.
Ayon sa pulisya, ang dalawa ay parehong nasa PNP drug watchlist na nakatala bilang street level individuals (SLIs).
Batay sa report, dakong alas-10:45 ng umaga, magkaangkas ang dalawa sa isang walang plakang motorsiklo subalit pagsapit sa magubat na bahagi ng Barangay Del Rosario ay pinagbabaril ang mga ito ng mga suspek na kinilalang sina Frederick Renton Sadili, isang ring SLI, at Allan Olivera.
Ayon sa nakasaksi, naglakad lamang ang dalawang suspek patungo sa masukal na lugar matapos ang krimen.
Agad namang binawian ng buhay ang dalawa dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.
Napag-alaman din sa imbestigasyon na ang biktimang si Pansoy ay isa sa tatlong suspek sa pamamaril at tangkang pagpatay sa isang nangangalang Neil Maniebo Ventocilla na residente ng Barangay Lusacan, Tiaong noong Pebrero 12, 2022.
Away may kinalaman sa ilegal na droga ang tinitingnang motibo sa krimen. Patuloy pa ang imbestigasyon ng Tiaong Police sa insidente. (NILOU DEL CARMEN)
106