INSULTO sa sambayanang Pilipino ang 2025 national budget na pinuno umano ng Bicameral Conference Committee ng pork barrel.
Ganito inilarawan ng mga miyembro ng Makabayan bloc sa Kamara ang pinagtibay na pambansang pondo na nagkakahalaga ng P6.352 trilyon sa Bicam na binubuo ng 12 senador at 12 congressmen.
“Ang pondo ng bayan ay dapat nakalaan para sa taumbayan, hindi sa pangangampanya ng mga nasa poder! This budget is an insult to the Filipino people who are struggling with skyrocketing prices, low wages, and deteriorating public services,” ani Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil mula sa P4.5 billion na confidential and intelligence funds (CIF) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ay pinalobo pa ito ng P5.4 Billion gayung hindi alam kung papaano ito ginagamit.
Hindi rin nagustuhan ni ACT party-list Rep. France Castro na binawasan ng P10 billion ang Department of Education (DepEd) at inalisan ng P74.43 billion subsidy ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) subalit dinagdagan ng P289 billion ang Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa imprastraktura na itinuturing na pork barrel at ugat ng kickbacks.
“Bakit ang pera para sa kalusugan, edukasyon, at iba pang pangangailangan ng taumbayan ang laging tinatanggalan? Pero ang pork barrel para sa DPWH, confidential and intelligence funds, at iba pang discretionary funds ng administrasyon ay hindi lang pinananatili, kundi dinaragdagan pa,” ani Castro.
“This is the height of misprioritization and callousness!” dagdag pa ng mambabatas.
Kinuwestiyon din ng grupo ang mahigit P26 billion na inilaan sa Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) kung saan tinawag ito ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na “ayuda politics” para sa 2025 election.
“This budget reeks of misplaced priorities. Instead of ensuring funding for education, health, and livelihood, the bicam chose to protect the vested interests of the President and his allies. Ang pera ng bayan ay para sa bayan, hindi para sa bulsa ng iilan!” giit ni Brosas. (BERNARD TAGUINOD)
2