30,061 PNP PERSONNEL LALAHOK SA ABSENTEE VOTING

TINATAYANG aabot sa mahigit 30,000 tauhan ng Philippine National Police ang lalahok sa absentee voting para sa May 2022 national election partikular ang mga naitalaga sa mga lalawigan na malayo sa kanilang lugar.

Ayon kay PNP Public Information Office chief, Police BGen. Roderick Augustus Alba, gaganapin ang absentee voting sa PNP sa April 27, 28 at 29.

Base sa rekord ng PNP, mayroong 3,248 PNP personnel na nakabase sa National Headquarters sa Camp Crame sa Quezon City ang lalahok sa absentee voting.

Umabot naman sa 26,813 PNP personnel ang lalahok sa absentee voting sa mga lalawigan.

Sinasabing kasado na ang mga lugar na pagdarausan ng isasagawang absentee voting sa Philippine National Police.

Nabatid na itinalagang lugar para sa Crame-based PNP personnel ang kanilang PNP Multi-Purpose Center bilang polling center ng absentee voters.

Habang ang mga Police Provincial Office naman ang in-charge sa venue ng Local Absentee Voting para sa mga pulis sa mga lalawigan.

Samantala, sa hanay ng Armed Forces of the Philippine partikular ang Philippine Army, ay nagkakasa na rin ng kanilang mga venue para sa mga sundalong lalahok sa absentee voting. (JESSE KABEL)

177

Related posts

Leave a Comment