56 RETIREMENT AGE MALAPIT NANG MAGING BATAS

BERSYON na lamang ng Senado ang hinihintay at maaari nang makapag-retire nang mas maaga o sa edad 56-anyos ang mga tauhan ng gobyerno partikular ang public school teachers.

Bago nag-adjourn ang Kongreso ay pinagtibay sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill (HB) 206 na inakda ng Makabayan bloc, sa botong 268 pabor at isa ang kontra.

Layon nito na amyendahan ang Section 13-A ng Republic Act 8291 o “The Government Service Insurance System Act of 1997” upang ibaba sa 56-anyos ang optional retirement age ng government personnel mula sa kasalukuyang 60-anyos.

Ginawa ang nasabing panukala upang mas maagang makapagpahinga ang government personnel partikular ang public school teachers na bugbog sa trabaho kaya karamihan sa mga ito ay nagkakasakit.

Base sa inaprubahang panukala, maaaring mag-retire sa nasabing edad ang mga empleyado ng gobyerno lalo na kung nakapagserbisyo na ang mga ito sa loob ng 15 taon at walang tinatanggap na monthly pension benefit dahil sa permanent total disability.

Wala umanong dapat ikabahala ang mga empleyado ng gobyerno dahil lahat ng benepisyo na nararapat na matanggap ng mga ito ay ibibigay sa kanila.

Mananatili naman sa 65-anyos ang mandatory retirement ng government personnel.

Sa ngayon, tanging ang security forces tulad ng mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at iba pang uniformed personnel ang mayroong compulsory retirement pagtuntong ng mga ito sa edad na 56. (BERNARD TAGUINOD)

640

Related posts

Leave a Comment