SUMUKO sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group – Quezon Provincial Field Unit, ang anim na pulis na isinasangkot sa pagkamatay ng binatilyong si Jemboy Baltazar.
Ang anim na pulis na kasalukuyang nahaharap sa kasong murder ay sina PEMS Roberto Balais Jr., PSSg. Gerry Maliban, PSSg. Antonio Bugayong Jr., PSSg. Nikko Pines Esquilon, PCpl. Edmard Jade Blanco, at Patrolman Benedict Mangada.
Ayon sa CIDG Quezon, dakong alas 5:00 ng hapon nang sumuko ang anim sa CIDG Quezon PFU office, sa Camp Guillermo Nakar, sa Lucena City.
Ang nasabing mga suspek ay dating personnel ng Navotas Police Station pero sinibak sa puwesto matapos na mabaril at mapatay ang 17-anyos na si Baltazar sa isang search operation para sa isang wanted suspect sa Navotas noong Agosto 2.
Sumuko ang mga ito matapos ilabas ang warrant of arrest para sa kasong murder (Article 248, RPC) na inisyu ni Presiding Judge Pedro T. Dabu Jr., ng Regional Trial Court Branch 286 ng Navotas City.
(NILOU DEL CARMEN)
215