7 ASSAULT RIFLES NG NPA NAREKOBER

NANINIWALA ang pamunuan ng Philippine Army na nabawasan nang bahagya ang banta ng karahasan ngayong papalapit na ang national and local elections sa lalawigan ng Surigao del Sur dahil sa pagkakabawi sa pitong matataas na kalibre ng baril ng New People’s Army sa Tago, Surigao del Sur.

Ayon kay Army 4th Infantry Division commander, Maj. Gen. Wilbur Mamawag, isang residente ang nagturo sa mga armas na ibinaon sa Sitio Lagangan sa Barangay Caras-an.

Pinaniniwalaang ang mga sandata ay sadyang ibinaon para madaling makuha ng communist terrorist group ano mang oras nilang kailanganin para maghasik ng karahasan lalo na ngayong papalapit na ang eleksyon.

Ayon pa kay Mamawag, ang pitong AK-47 rifles na may 17 magazines, ay kabilang lang sa mga armas na ginagamit ng mga rebelde sa ginagawa nilang pananakot sa mga lokal na kandidato sa papalapit na eleksyon.

Ito rin ang mga sandatang ginagamit sa kanilang extortion activities sa contractors at lokal na negosyante.

“As the Commander of Joint Task Force Diamond, my desire is to eliminate the potential spoilers in the coming polls by making sure that the CTG will not be in a position to harass and intimidate people in the countryside as the election draws near. We will continue to hunt them down and collect their firearms faster than they could hide,” sabi ng opisyal.

Samantala, base sa tala ng Philippine National Police, may 28 election related incidents (ERI) nang naitala mula Enero  9 hanggang Abril 17, 2022.

Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, sa naturang bilang, nasa 21 ang validated na at wala umanong kinalaman sa halalan.

Dalawa naman ang hinihinalang may kinalaman sa eleksyon at lima ang kumpirmadong may kinalaman sa pulitika.

Umaabot naman sa 114 lugar ang inirekomenda ng PNP sa Comelec na ibilang sa “red category” o hot spot areas ngayong halalan.

Habang dalawang lugar sa Lanao del Sur ang nasa ilalim ng Comelec control dahil sa banta ng mga local terrorist group kaya’t kailangang dagdagan ng mga sundalo at pulis ang  nasabing mga lugar. (JESSE KABEL)

413

Related posts

Leave a Comment