8-ANYOS GINAHASA, PINATAY SA SAGINGAN

DAVAO DE ORO – Natagpuang walang buhay ang isang 8-anyos na batang babae na hinihinalang ginahasa bago pinatay sa bayan ng Maragusan sa lalawigan.

Nadiskubre ng mga residente at mga pulis ang bangkay ng biktimang si alyas “Chelle” na nakahandusay sa sagingan sa Purok Kape 2, Brgy. Magcong.

Ayon sa Maragusan Municipal Police, nakababa ang underwear nito nang makita at nasa tabi nito ang isang malaking bato na hinihinalang siyang ipinukpok ng suspek sa ulo ng biktima na siya nitong ikinamatay.

Nadiskubre rin ng mga awtoridad sa crime scene ang isang stick ng sigarilyo, pubic hair, cellphone charger, at isang pares ng tsinelas.

Ayon sa pamilya nito, Linggo ng hapon nang huling makitang buhay ang biktima matapos na umalis ito nang hindi nagpapaalam.

Hindi ito nakauwi ng gabi at at nagulat na lamang sila nang mapag-alaman ang insidente kinabukasan.

Inaresto naman ng pulisya ang isang lalaking magsasaka na siyang itinuturing na ‘person of interest’ sa krimen at sinasabing huling nakitang kasama umano ng biktima.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng Maragusan PNP para sa ikalulutas ng kaso.

(NILOU DEL CARMEN)

215

Related posts

Leave a Comment