KWITIS AT BOGA PANGUNAHING SANHI NG FIREWORK RELATED INJURIES SA PAGSALUBONG SA 2025. STROKE AT IBA PANG NCDs PATULOY NA BINABANTAYAN NG DOH MATAPOS ANG MGA HANDAAN

Umabot na sa 534 ang kabuuang bilang ng Firework Related Injuries (FWRI) mula Disyembre 22, 2024 hanggang alas-sais ng umaga ng Enero 2, 2025. Mas mababa ito ng 9.8% kumpara sa 592 kasong naitala noong 2024.

Kwitis at boga ang pangunahing sanhi ng FWRI na naitala sa 62 sentinel sites na binabantayan ng DOH. Siyamnapu (90) sa kabuuang kaso ang nasabugan ng Kwitis habang pitumpu’t siyam (79) na kaso naman ang nasabugan ng Boga. Karamihan sa mga biktima ay 19 y/o pababa na umabot sa tatlong daan at dalawampu’t dalawang (322) kaso. Dagdag pa rito, dalwandaan at limampu’t apat (254) na kaso ay mga aktibong gumamit ng paputok.

Sa pag-iikot naman ng DOH sa mga ospital ngayong araw, ipinakita sa tala ng Philippine General Hospital (PGH) nagkaroon ito ng taltlong (3) kaso ng amputations o pagputol sa bahagi ng katawan mula sa kabuuang labimpitong (17) kaso ng FWRI na naitala ng ospital mula Disyembre 21, 2024 hanggang Enero 2, 2025.

Inikutan din ng Kagawaran ang Tondo Medical Center na nakapagtala ng limampu’t anim (56) na kaso ng FWRI mula Disyembre 21, 2024 hanggang Enero 2, 2025. Sa naturang bilang, dalawampu’t siyam (29) ang nagpaputok habang nakainom ng alak. Isa (1) ang kinailangan na isailalim sa amputation.

Matapos naman ang sunud sunod na handaan, binabantayan pa rin ng DOH ang mga kaso ng non-communicable diseases (NCDs) tulad ng acute stroke, acute coronary syndrome (ACS), at bronchial asthma mula sa walong (8) sentinel sites sa bansa.

Sa pagbabantay ng DOH, lumabas na tumataas ang bilang ng mga stroke patients sa pagsalubong ng bagong taon. Mula sa labindalawa (12) na naitalang kaso ng stroke noong Disyembre 23, umakyat ito sa 146 na pasyente ngayong January 2, 2025. Dalawa (2) sa nasabing bilang ang namatay. Naitala ang pinakamataas na bilang ng stroke patients na nasa 45 hanggang 64 years old. Nakapagtala naman ng isandaan at apatnapung (140) stroke cases ang PGH, habang apatnapu’t isa (41) sa Tondo Medical Center.

Mula naman sa dalawang (2) kaso ng acute coronary syndrome (ACS) noong Disyembre 22, umakyat na sa 74 ang ACS patients na naitala ng ahensya mula sa sentinel sites hanggang January 2, 2025. Isa (1) naman sa nasabing bilang ang namatay. Karaniwan namang nasa edad 55 hanggang 74 ang mga pasyenteng tinamaan ng ACS. Nakapagtala naman ng animnapu’t tatlong (63) kaso ang PGH, habang walo (8) sa Tondo Medical Center. Ang ACS ay ilang kondisyon na nauugnay sa biglaang pagbabago sa daloy ng dugo sa puso. Kasama sa mga kundisyong ito ang myocardial infarction o atake sa puso.

Binabantayan din ng DOH ang kaso ng bronchial asthma dahil sa usok mula sa mga paputok. Mula anim (6) na kaso noong Disyembre 22, umakyat ang bilang sa 80 pagdating ng January 2, 2025 sa mga sentinel sites. Mga bata mula 0 hanggang 9 years old naman ang karaniwang bronchial asthma patients. Apatnapu’t anim (46) ang naitalang bronchial asthma cases ng PGH, habang labing isa (11) sa Tondo Medical Center.

Patuloy na magbabantay ang Kagawaran ng Kalusugan sa mga kaso ng NCD at FWRI, kasabay ng pagtitiyak na ang mga ospital ay handa. Hinihikayat din ng DOH ang publiko na mas pahalagahan pa ang kalusugan ngayong 2025. Umiwas sa labis na pagkain ng maalat, matamis, at matataba, gayundin ang labis na pag-inom ng alak. Ugaliin din ang regular na konsultasyon sa doktor para maiwasan ang paglala ng mga existing medical conditions tulad ng hypertension.

“Ang masamang epekto ng pagpapaputok ay panghabambuhay—putol na daliri o kamay, sunog na balat, pagkabulag at maging sakit sa baga. Kahit na bumaba ang kaso ng mga nagpapaputok at biktima nito sa salubong ng 2025, hindi natin maisasawalang bahala ang mga nasaktan at nasawi. Kailangan ng mas mahigpit na kampanya kontra paputok. Mas palalawigin pa ito ng Kagawaran kasama ang iba pang ahensya ng gobyerno. Ang pagpapanatili naman ng malusog na katawan ay dapat ding paigtingin ng bawat isa ngayong taon. Start the year right and make better choices for health—tamang pagkain, ehersisyo at disiplina sa katawan ay dapat gawin ng para maiwasan ang malalang sakit.”

87

Related posts

Leave a Comment