9 KULONG SA P.4-M NAKAW NA KABLE

MAGKAKASUNOD na ibinalibag sa selda ang siyam na lalaking nabulagang nagnanakaw ng halos P.4 milyong halaga ng kable ng telepono sa Valenzuela City.

Kinasuhan ng theft sina Teddy Arevalo, 28; John Mike Pelayo, 25; Joven Aballa, 30; Rogelio Madriaga III, 23; Jeferson Abayon, 25; Edwin Dela Trinidad, 35; Noel Apan Jr., 28; pawang ng Quezon City; Jeffrey Palco, 22, ng Laguna, at Rolando Dela Cruz, 43, ng Batangas.

Lagpas alas-2:00 ng madaling araw noong Setyembre 28 nang maispatan sa McArthur Highway, Barangay Karuhatan, ng lungsod ng nagpapatrolyang mga pulis ang mga suspek na pinuputol at hinihinala ang mga kable mula sa isang manhole.

Hinahatak umano ang kable gamit ang isang Mitsubishi Canter, habang ang ibang kasamahan ay naghihintay naman sa isang orange na Toyota Vios, at nang hanapan ay wala umanong maipakitang kaukulang dokumento ang mga suspek hinggil sa kinukuha nilang mga kable.

Tuluyang inaresto ang mga suspek matapos makipag-ugnayan ang pulisya sa isang kinatawan ng kumpanya ng telepono na nagmamay-ari ng ninakaw na kable, na nagsabing hindi nila empleyado at wala silang ano mang kaugnayan sa sino man sa mga suspek.

Kinumpiska ng mga pulis ang 161-metrong 1,200-pair copper cable wire na may halagang P266,860, at isang 161-metrong 600-pair copper cable wire na may halagang P127,114, gayundin ang dalawang traffic cones, mga martilyo, lagare, pait, lubid at kadena mula sa mga suspek. (ALAIN AJERO/FRANCIS SORIANO)

5

Related posts

Leave a Comment