9 SUGATAN SA SERYE NG MINDANAO BLAST

bomba

UMABOT sa siyam na katao ang iniulat na nasugatan sa serye ng mga pagsabog sa dakong Mindanao kaugnay ng halalang ginanap kahapon.

Ayon kay Kabacan police chief Lieutenant Colonel John Miridel Calinga, bandang alas 9.35 kahapon ng umaga nang maganap ang isang pagsabog sa Barangay Poblacion sa bayan ng Kabacan. Wala naman aniyang nasugatan sa naturang insidente.

Gayunpaman, nagdulot ng matinding takot sa mga mamamayan at maging sa hanay ng mga miyembro ng board of election inspectors (BEI) ng Kabacan ang naturang pagsabog.

Bago pa man ang nasabing insidente, walong magkakahiwalay na pagsabog rin ang naitala ng pulisya sa dalawang bayan sa lalawigan ng Maguindanao – hudyat para maglunsad ng mas mahigpit na pagbabantay ang 601st Brigade na pinamumunuan ni Colonel Oriel Pangcog ng Philippine Army.

Ayon kay Pangcog, unang ginulantang ng malakas na pagsabog ang bayan ng Datu Unsay at Shariff Aguak sa Maguindanao pasado alas-7:00 kamakalawa ng gabi, at nasundan pa ilang oras bago ang takdang oras ng mismong halalan.

Pagtitiyak pa ni Pangcog, ligtas na at malayo sa peligro ang mga biktimang nagtamo lang aniya ng minor injuries sa naganap na magkakasunod na pagsabog sa munisipyo ng Datu Unsay.

Dalawang pagsabog gamit ang M79 grenade launchers ang naitala naman sa kahabaan ng national highway ng Shariff Aguak.

Tensyon naman ang dulot ng pag-ikot at pagbabahay-bahay ng mga armadong kalalakihang pinaniniwalaang miyembro ng private armed group ng isang politiko sa nasabing lalawigan. (JESSE KABEL)

116

Related posts

Leave a Comment