LAGUNA – Nahukay ng mga tauhan ng SOCO kasama ang Calabarzon Regional Crime Laboratory Office at mga tauhan ng Calauan PNP, ang labi ng nawawalang babaeng South Korean national sa tabi ng kanilang bahay sa Barangay Lamot 2, sa bayan ng Calauan sa lalawigang ito, noong Linggo ng hapon.
Ang labi ng dayuhan ay positibong kinilala ng kanyang anak na lalaki na nagtungo sa Pilipinas para hanapin ang nawawalang ina.
Nadiskubre ang krimen matapos aminin mismo ng suspek na asawa ng biktima, ang kanyang pagpaslang sa ginang.
Noong Biyernes ay nagtungo ang 63-anyos na suspek na isang Korean pastor, sa South Korean Embassy sa Taguig City, at ipinagtapat ang pangyayari subalit matapos ang pag-amin sa krimen, lumipad din ito patungong South Korea kinagabihan ng Biyernes at sumuko sa mga awtoridad sa Jae Cheon City, Chung Chung Do province.
Kaagad sumulat ang Korean Embassy sa Calauan Police na humiling na magsagawa ng imbestigasyon.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Calauan Police, sinasabing nangyari ang krimen noong alas-8:00 ng umaga noong Agosto 25, 2022.
Nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang mag-asawa sa 2nd floor ng kanilang bahay sa Lamot 2, Calauan dahil sa titulo ng isang lote.
Tatlong beses na pinalo umano ng suspek sa noo ang biktima gamit ang isang bakal na tubo na siyang ikinamatay nito.
Ibinalot ng suspek sa kumot ang biktima at itinago sa kusina at saka inilibing malapit sa kanilang piggery makalipas ang tatlong araw.
Ayon sa mga awtoridad, nakaalis sa bansa ang suspek dahil wala pa naman itong kaso nang lumipad patungong South Korea at hindi rin ito sa pulisya sumuko.
Pero matapos na mahukay ang labi, inihahanda na ng Calauan Police ang kasong isasampa laban sa suspek. (NILOU DEL CARMEN)
277