(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
NANAWAGAN si dating executive secretary Atty. Vic Rodriguez sa taumbayan na tapusin na ang pananahimik at sama-samang kondenahin ang opresyon ng administrasyong Marcos.
Sa isang video message na kumalat kahapon sa social media, sinabi ni Rodriguez na nananawagan siya sa taumbayan bilang isang Pilipino at abogado patungkol sa pagtrato ng mga mambabatas kay Atty. Zuleika Lopez na chief of staff ni Vice President Sara Duterte.
“Bilang isang Pilipino at abogado, ako ay nananawagan sa mamamayang Pilipino na basagin na ang pananahimik at inyong katahimikan. Mariin po nating kondenahin ang pang-aabuso sa karapatang pantao na nagaganap sa ilalim ng administrasyon ni Bongbong Marcos sa pamumuno at sa pangunguna ng Speaker of the House of Representatives na si Martin Romualdez.
Tulungan, suportahan at protektahan po natin si Vice President Inday Sara Duterte, at mariin po nating kondenahin ang ginagawa nilang panggigipit kay Atty. Lopez, ang chief of staff ng Ofc of the VP,” bahagi ng panawagan ng dating executive secretary ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Banggit niya, oras na para magsama-sama ang mamamayan anoman ang paniniwalang pampulitika para matigil ang paglapastangan sa karapatang pantao.
“Ito po ay hindi na usapin kung ano ang iyong political leaning o political affiliation. Kitang-kita po natin ang pagyurak at paglapastangan sa ating karapatang pantao, at hindi na kinikilala ang ating Saligang Batas,” aniya.
May apela rin siya sa mga sundalo at kapulisan sa bansa na manatiling naaayon sa batas ang kanilang mga hakbang.
“Nakikiusap din ako sa ating mga kapwa Pilipinong maiisug dyan sa Armed Forces of the Phils. at PNP, only follow lawful orders.
You are there to serve and protect the people. You are there to protect the state, subalit kinakailangan din na malinaw sa atin na hindi kayo dapat sumunod sa isang ilegal na kautusan, galing man ito sa Office of the Pres. o Ofc of the House Speaker.”
Aniya, magkakaroon ng mga pagtitipon na malaya at payapa sa mga susunod na araw at hinikayat ang taumbayan na makiisa. Paalala niya sa mga pulis, respetuhin ang karapatan ng mamamayang Pilipino na maghayag ng kanilang saloobin, hangga’t ito ay payapa na pagtitipon.
Sa mga kasundaluhan naman, inulit niya na sundin lamang iyong lawful orders.
“At sa ating mamamayang Pilipino, ‘yung mga gagawing pagtitipon, basagin na po natin ang ating pananahimik. Itigil na natin itong kultura ng opresyon na nagaganap sa ilalim ng Bongbong
Marcos administration. Suportahan po natin ang gagawing pagkilos. Lumabas po kayo ng inyong tahanan at ipahayag po natin sa napakalakas na tinig ang ating hindi pagsang-ayon at pagkondena sa pang-aabuso ng Bongbong Marcos at Martin Romualdez administration.
50