MAKARAAN ang halos dalawang oras, tuluyang naapula ang sunog sa gusali ng Supreme Court makaraang tupukin ng apoy ang ilang bahagi nito sa Padre Faura St., Ermita, Manila nitong Martes ng umaga.
Base sa ulat ng Manila Fire Department ng Bureau of Fire Protection (BFP), bandang alas-6:05 ng umaga nang sumiklab ang sunog sa Judiciary Data Center Room sa ground floor ng SC sa naturang lugar.
Dahil mabilis ang pagresponde ng mga pamatay-sunog, idineklara lamang sa unang alarma at naapula ang sunog dakong alas-7:55 ng umaga.
Wala namang iniulat na nasaktan o namatay sa nabanggit na sunog.
Patuloy na iniimbestigahan ng Arson Division ang sanhi ng sunog at ang halaga ng napinsalang mga kagamitan at ang mga dokumento.
Samantala, inihayag ni SC Associate Justice Marvic Leonen, chairperson ng 2020-2021 Bar Examination, tuloy pa rin ang pagpapalabas ng resulta ng pagsusulit sa kabila ng nangyaring sunog.
Kinumpirma naman ni SC Spokesman Atty. Brian Hosaka na ang sunog ay nagsimula sa Universal Power Supply ng Data Center ng SC Management Information Systems Office.
(RENE CRISOSTOMO)
138