IPINAGPALIBAN ng pamahalaan ang ikalawang yugto ng national vaccination drive sa ilang lugar bunsod ng nakaambang epekto ng bagyong Odette sa Visayas, Mindanao, Bicolandia at Mimaropa (Mindoro Oriental, Mindoro Occidental, Marinduque, Romblon at Palawan).
Sa isang kalatas, kinumpirma ni Interior and Local Government Sec. Eduardo Año ang desisyon ng Palasyo batay sa rekomendasyon ng National Task Force Against COVID-19.
“Approved na. Visayas, Mindanao, Mimaropa, and Bicol Region are postponed to December 20,” ayon sa Kalihim.
Tuloy naman aniya ang malawakang national vaccination drive ngayong araw (Disyembre 15) hanggang Biyernes (Disyembre 17) sa mga rehiyong kinabibilangan ng Southern Tagalog, Central Visayas, Eastern Visayas at Northern Mindanao.
Una nang naglabas ng babala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) kaugnay ng pagpasok ng bagyong Odette sa Philippine Area of Responsibility habang inaasahan naman ang landfall sa Caraga region pagsapit ng Huwebes.
Ayon pa kay Año, gaganapin na lamang mula Disyembre 20 hanggang 22 ang naantalang bakunahan sa mga apektadong rehiyon. (LILY REYES)
