CAVITE – Dalawang lalaki ang inaresto ng mga tauhan ng Cavite Police dahil sa pagdadala ng baril sa magkahiwalay na lugar sa lalawigang ito, noong Huwebes ng gabi.
Kinilala ang mga inaresto na sina Eddie Cali y Orlanda alyas “Eddie,” 61, residente ng Brgy. Talon Uno, Las Piñas City, at Teofilo Baybay y Manintim, 57, tricycle driver, at residente ng Brgy. Mag-asawang Ilat, Tagaytay City.
Ayon sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG-Cavite), dakong ala-1:55 ng umaga noong Huwebes nang nakatanggap sila ng tawag mula sa concerned citizen hinggil sa isang lalaki na pagala-gala sa Brgy. Paliparan 1, Dasmariñas City, Cavite habang armado ng baril.
Agad namang nagresponde ang operatiba ng CIDG sa lugar kung saan nakita ang suspek na may sukbit na baril sa kanyang baywang at nang hingian ng dokumento ay wala itong naipakita dahilan upang arestuhin.
Nakuha kay Cali ang isang kalibre .45 na baril, magazine at bala.
Samantala sa Tagaytay City, inireklamo ng isang Genita Mendoza ng Brgy. Mag-asawang Ilat, Tagaytay City ang lasing na si Baybay dakong alas-6:30 noong Huwebes ng gabi na walang habas na nagpaputok ng baril sa harapan ng kanilang bahay.
Bunsod nito, nagresponde sa lugar ang mga operatiba ng PCP-3 ng Tagaytay Police kung saan nakumpiska sa suspek ang isang kalibre .9mm at limang bala.
Kasong paglabag sa RA 10591 in relation to COMELEC Resolution No. 10695 (COMELEC Gun Ban) ang kinahaharap ni Cali habang paglabag sa RA 10591 (Illegal Possession of Firearms and Ammunition) in relation to Omnibus Election Code, Alarms and Scandal at Illegal Discharge of Firearm ang kinahaharap ni Baybay. (SIGFRED ADSUARA)
136