SORSOGON – Nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard at iba pang ahensya ng pamahalaan sa posibleng naging pinsala sa pagsadsad isang cargo vessel sa mababaw na bahagi ng dagat sa bayan ng Barcelona sa lalawigang ito, noong Biyernes ng umaga dahil sa masamang panahon.
Noong Linggo ay inalam ng PCG, kasama ang Marine Environmental Protection Group Sorsogon, SPDRRMO Sorsogon, MDRRMO Barcelona at mga tauhan ng Philippine Army, kung may posibilidad ng oil spills mula sa sea vessel na LCT Regent 101 na sumadsad sa bahagi ng sea water ng Sitio Boracay, Barangay Luneta.
Sinisiyasat din ng PCG ang sea bed sa lugar at tiningnan kung gaano kalawak ang naging pinsala sa mga coral.
Ayon sa report ng PCG, galing sa Lazi, Siquijor ang sea vessel noong Enero 19 at patungo sa Lidong, Albay.
Subalit pagtapat nito sa territorial water ng bayan ng Barcelona ay hinagupit ito ng malalakas na hangin at malalaking alon dahilan para mapadpad ito sa mababaw na bahagi ng dagat. (NILOU DEL CARMEN)
