BULKANG TAAL NAGBUGA NA NAMAN NG USOK

taal

PATULOY na mino-monitor ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang aktibidad ng Taal Volcano kasunod ng mahihinang phreatomagmatic burst  nitong Sabado ng hapon hanggang Linggo.

Agad namang pinayapa ng PHIVOLCS ang publiko dahil wala umanong inaasahang malaking pagsabog sa Bulkang Taal sa kabila ng mga aktibidad nitong weekend.

Ayon sa ibinahaging report ng Office of Civil Defense-Calabarzon, “wala namang untoward na effect” ang mga aktibidad ng bulkan sa mga residente, partikular sa mga bayan ng Agoncillo, Laurel at Talisay.

Wala rin naman umanong inaasahang malaking pagsabog kaya hindi pa kinakailangan na maglikas ng mga residenteng malapit sa bulkan.

“So far, wala naman tayong nai-record pa na evacuee at ‘yong view nila doon sa mga isla na malapit, may mga steaming pero wala namang untoward na effect mismo directly doon sa kanilang pamumuhay doon,” pahayag ni  Kelvin John Reyes, public information office ng OCD-Calabarzon.

Samantala, inihayag ni Paolo Reniva, resident volcanologist ng Taal Volcano Observatory, naitala nitong Sabado hanggang Linggo ang mahihinang phreatomagmatic burst sa main crater na nangyayari tuwing nagkakaroon ng contact ang tubig sa mainit na parte ng bulkan.

Ang mga ito ay maiikli lamang at tumagal ng 10 segundo hanggang 2 minuto, at lumikha ng plume na tumaas ng 400 hanggang 900 metro.

Sinuportahan ni  Reniva ang naging pahayag ng local OCD office na walang inaasahang malaking epekto sa mga residente malapit sa Taal Volcano ang mga aktibidad nito. (JESSE KABEL)

1012

Related posts

Leave a Comment