CHINESE BUSINESSMAN SUGATAN SA AMBUSH

NASA ligtas nang kalagayan sa Manila Medical Center ang isang 50-anyos na Chinese businessman makaraang tambangan habang sakay ng isang Toyota Fortuner kasama ang kaibigan sa panulukan ng Padre Burgos St. at Victoria St. sa Intramuros, Manila noong Huwebes ng hapon.

Kinilala ang biktimang si Sy Kim Lok, dealer ng face masks at face shields, at residente ng Arty Subdivision, Valenzuela City, habang wala namang kagalos-galos ang kasama nitong si Dexter Tan, 43, negosyante ng RTW at residente ng Juan Luna St. sa Binondo, Manila.

Ayon kay P/Lt. Col. Donelle Brannon, commander ng Manila Police District – Ermita Police Station 5, bandang alas-4:20 ng hapon nang mangyari ang insidente sa nasabing lugar.

Sa isinagawang imbestigasyon ni P/Cpl. Alexis Ambrosio, habang nagmamaneho ng Toyota Fortuner ang biktima kasama si Tan patungo sa P. Burgos St. nang biglang huminto ang isang motorsiklo sa harap ng sasakyan at pinagbabaril ang Chinese businessman.

Mabilis na nakalabas ng sasakyan si Tan habang itinabi naman ng biktima ang minamaneho nitong Toyota Fortuner.

Matapos ang pamamaril, tumakas ang suspek sa direksyon ng Lagusnilad sa Taft Avenue, ayon sa pahayag ng saksing si Janjan Dellua, 22-anyos na pedicab driver.

Mabilis namang isinugod ng ilang pulis ng Intramuros PCP, ang sugatang biktima sa ospital.

Nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ni Lt. Col. Brannon at tinugis ang suspek ngunit bigo silang madakip ito.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente at inaalam kung may kinalaman sa negosyo ang nangyari. (RENE CRISOSTOMO)

110

Related posts

Leave a Comment