BITIN. Ganito inilarawan ng isang kongresista ang ginawang pagsusuri ng Commission on Audit (COA) sa inilabas na audit report kaugnay ng mga biniling food packs ng Quezon City government para noong taong 2020.
Giit ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, busisiin lahat ng procurement deals na pinasok ni Quezon City Mayor Joy Belmonte, kasabay ng patutsada sa aniya’y limitadong saklaw ng COA report.
Aniya, tanging ang P479-milyong halaga ng financial assistance sa ilalim ng Bayanihan 2 law para sa taong 2020 ang laman ng annual audit report ng COA na inilabas noong Hunyo ng nakalipas na taon.
“The report did not cover the bigger procurements in November that year – one for P402.5 million and another for P287,574,000, for a total of almost P700 million. Based on our price monitoring, the procured food packs were overpriced by as much as P308 million for the two transactions,” ani Defensor.
Partikular na tinukoy ng kongresista ang iginawad na kontrata ni Belmonte sa LXS Trading para pagsuplay ng 250,000 food packs noong buwan ng Nobyembre 2020.
Sa kanyang pagtataya, lumalabas na P1,149.98 ang ibinayad ng lungsod sa bawat food pack, kumpara sa P636 na ibinayad ng lungsod sa isa pang supplier – ang Thyme General Merchandise na nagsuplay ng parehong laman at dami ng ayudang pagkain para sa mga residente ng Quezon City.
Ito rin aniya ang dahilan kung bakit nahaharap ngayon sa kasong isinampa sa Ombudsman ng isang empleyado ng QC government ang alkalde. (BERNARD TAGUINOD)
121