DESTAB VERSUS PBBM ITINANGGI NG STORM

MARIING itinanggi ng grupong September Twenty One Reform Movement (STORM) na may kinalaman ang kanilang hanay sa tangkang destabilisasyon laban sa pamahalaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa ginanap na pulong balitaan sa Pandesal Forum sa Quezon City, itinanggi ng retired military personnel na kasapi rin ng grupong September Twenty One Reform Movement, na bahagi sila ng pagpaplano ng destabilisasyon laban sa Marcos Jr. administration.

Sinabi ni STORM convenor at Philippine Military Academy Alumnus Bob Yap, kailanman ay hindi sila nakikisali sa anomang usapin para pabagsakin ang kasalukuyang pamahalaan.

Sa halip ay inihayag nito na bahagi sila ng panawagan para sa isang makatotohanan at reporma sa halalan, dahil naniniwala sila na karapatan ng bawat Pilipino na malaman kung may katotohanan ang mga alegasyon ng dayaan sa halalan.

Magugunitang isinusulong ng ilang retiradong military officers ang tuluyang pag-ban sa SMARTMATIC sa paglahok pa sa gaganaping computerized elections sa bansa.

At higit sa lahat ay sagutin ang akusasyon hinggil sa mga kontrobersyal na transmission receipt noong nakaraang general election base sa inihain na petition ni former Communications Technology Secretary Eliseo Rio.

Nabatid na humihingi ng paliwanag ang grupo hinggil sa umano’y kuwestyunableng pagdagsa ng mahigit 20 million boto sa loob lamang ng unang oras ng bilangan. At maging ang umano’y imposible o kuwestyunableng 68:32 presidential trend mula sa simula hanggang sa matapos ang bilangan.

Maging ang malaking boto ng vice president at president kung saan nalagpasan pa nilang dalawa ang boto ng nangungunang senatorial winners.

Para naman kay dating LTO chief Retired Col. Mariano Santiago, hinihingi ng kanilang grupo na i-disqualify ang Smartmatic sa susunod na electoral process base sa mga anomalyang kinasangkutan ng kanilang system mula pa noong 2010 election o limang halalan hanggang noong 2022.

Ang grupong September Twenty One Reform Movement ay binubuo ng military at civilian sectors tulad ng Alumni ng Philippine Military Academy, UP Vanguard at Civil Society Organization.

Samantala, mismong si Senator Imee Marcos ang nagkumpirma na walang namumuong destabilisasyon o planong pagpapatalsik laban sa kanyang kapatid na si Pangulong Marcos Jr.

Giit ni Sen. Marcos, wala siyang naririnig na may lumulutang na kudeta laban sa kanyang kapatid at katunayan pa nga rito ay miyembro siya ng group chat ng mga retired general ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Aniya pa, may mga suhestyon ang retired generals sa pamahalaan at ito ay kinikilala naman ng kanyang kapatid na pangulo.

(JESSE KABEL RUIZ)

228

Related posts

Leave a Comment