EX-DA SECRETARY MARAMING DAPAT IPALIWANAG SA KARTEL NG SIBUYAS – ENVERGA

NANINIWALA ang isang mambabatas na maraming dapat ipaliwanag ang mga dating opisyal ng Department of Agriculture (DA) kaugnay sa pamamayagpag ng kartel na itinuturong responsable sa pagtaas ng presyo ng sibuyas sa P700 kada kilo noong nakaraang taon.

Ayon kay House committee on agriculture and food chairperson Cong. Mark Enverga, maraming tanong na dapat sagutin ang mga dating opisyal ng DA na pinamunuan ni William Dar.
Anang mambabatas, unti-unting yumabong ang operasyon ni Leah Cruz, ang itinuturing na sibuyas queen, kaya nakontrol nito ang bentahan at presyuhan ng sibuyas bago pa man magsimula ang Marcos administration.

“Based on the diagram presented by Cong. Stella Quimbo, former Sec. Dar has a lot of explaining to do,” ani Enverga.

“Katulad ng sinabi rin ni Cong. Stella for a cartel to fly kinakailangan may kasama rin sa gobyerno, hindi mangyayari ang cartel o hindi magiging successful iyung operations kung walang kasabwat,” dagdag pa ni Enverga sa imbestigasyon ng kanyang komite sa pagbuwag sa kartel na nag-ugat sa panawagan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Batay sa mga impormasyon mula sa siyam na pagdinig ng komite, nakagawa si Cong. Quimbo ng matrix kung saan natukoy ang koneksyon ni Cruz sa bilihan ng lokal at imported na sibuyas, kung papaano ginagamit ang mga storage facility para mabarat ang mga lokal na magsasaka, at kung papaano lilimitahan ang suplay ng sibuyas upang tumaas ang presyo nito.
“I think this time mas malakas po ang ebidensiya na nagli-link na naman sa kanila,” sabi ni Enverga.

Ayon naman kay Quimbo, nakontrol ng grupo ni Cruz ang 68.74 porsyento ng kabuuang importasyon ng dilaw na sibuyas at 41 porsyento ng pulang sibuyas noong 2022.

Hindi man umano si Cruz ang direktang nag-aangkat ng sibuyas, nagagamit naman nito ang mga kompanya na mayroong kaugnayan sa PhilVIEVA na kanyang epektibong pagmamay-ari.
“Klaro na patuloy siyang nag-import ng sibuyas despite all her denials. Nagsinungaling siya sa atin sa Kongreso bagamat siya ay underoath,” sabi ni Quimbo.

“Ang katanungan, paano napayagan ng Bureau of Plant Industry (BPI) na patuloy na makapag-import si Leah Cruz despite being blacklisted. May nagbubulag-bulagan ba o lantarang nakikipagsabwatan ang BPI sa pandaraya sa taumbayan?” tanong ni Quimbo.

Ang BPI ay isang attached agency ng DA na nagbibigay ng importation permit upang matiyak na sapat ang suplay ng sibuyas sa bansa at maiwasan ang pagtaas ng presyo nito.

“Kung sa unang hearing, si Leah Cruz ay denial queen, by hearing no.9, para sa amin, siya ang undisputed Sibuyas Queen,” dagdag pa ng lady solon.

Nabigo ang BPI na magpa-import ng sibuyas para sa huling bahagi ng 2022 kaya nagkaroon ng kakulangan na nagpataas sa presyo nito.

170

Related posts

Leave a Comment