Flight instructor patay, student pilot kritikal CESSNA PLANE CRASH SA PANGASINAN

INIULAT ng Pangasinan PNP na may isang flight instructor ang namatay habang kritikal ang kalagayan ng student pilot matapos na bumagsak ang sinasakyan nilang training aircraft sa bahagi ng Alaminos City sa Pangasinan noong Miyerkoles ng umaga.

Kinilala ang mga biktimang sina Capt. Daryl Uy, flight instructor, at Caran France Kaura, student pilot. Sinasabing binawian ng buhay sa insidente si Uy habang sugatan si Kaura.

Patuloy pang bineberipika ang ulat hinggil sa mga biktima na sinasabing kapwa dinala sa Western Pangasinan District Hospital.

Base sa inisyal na ulat, ang two-seater training plane na “Flyfast” na may body number na RP-C8202, ay bumagsak sa isang palaisdaan sa Barangay Telbang pasado alas-9:00 ng umaga.

Base sa paunang impormasyon mula sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), alas-9:00 ng umaga nang bumagsak ang Cessna 152-type aircraft (RP-C8202) sa Sual.

Ang eroplano na pag-aari ng Fly Fast Aviation Academy, ay lumipad bandang alas-8:22 ng umaga para sa isang orientation flight.

Nagpadala na ang CAAP ng mga tauhan ng kanilang Aircraft Accident Investigation and Inquiry Board para alamin ang sanhi ng insidente. (JESSE KABEL)

286

Related posts

Leave a Comment