BUNSOD nang hindi pagsipot sa pagdinig sa korte, inaresto ng mga awtoridad sa bisa ng bench warrant ang isang 43-anyos na ginang sa Malate, Manila noong Huwebes ng hapon.
Kinilala ang suspek na si Mary Joyce Bautista, may asawa, ng Albatros St., Molino, Bacoor Cavite, City.
Batay sa ulat ni Police Lieutenant Colonel Salvador Tangdol, commander ng Manila Police District- Malate Police Station, bandang 5:15 ng hapon nang arestuhin ang ginang sa Mabini Street, malapit sa panulukan ng Quirino Avenue, Malate.
Ayon sa mga awtoridad, matagal nilang sinubaybayan ang ginang mula nang mapabilang sa most wanted persons sa Makati City dahil sa hindi pagsipot sa pagdinig sa korte dahil sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.
Inaresto ang ginang nang mamataan habang pasakay sa nakahintong pampasaherong jeep.
Ayon sa rekord ng korte, ang ginang ay sinampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 makaraang mahuli habang humihithit ang umano’y shabu habang nasa isang social gathering.
Ang suspek ay pinahintulutang maglagak ng P40,000 halaga ng piyansa para sa pansamantala niyang paglaya. (RENE CRISOSTOMO)
