GUN BAN, LIQUOR BAN IPATUTUPAD SA PISTA NG STO. NIÑO

NAGPALABAS ng kautusan si Manila Mayor Honey Lacuna- Pangan sa mga tauhan ng Manila Police District hinggil sa dalawang araw na pagpapatupad ng gun ban at liquor ban sa pagdiriwang ng kapistahan ng Sto. Niño de Tondo, at Sto. Niño de Pandacan.

Ayon sa ulat ni Police Major Philipp Ines, hepe ng MPD Public Information Office, ang kautusan ni Lacuna ay magsisimula ngayong Sabado, Enero 14, hanggang sa araw mismo ng kapistahan ng Sto Niño sa linggo.

Aniya, mahigpit na ipatutupad ang gun ban at liquor ban sa Tondo at sa Pandacan.

Ayon kay Police Brigadier General Andre P. Dizon, Director ng MPD, upang makasiguro sa payapang pagdiriwang ng pista, ang tatlong station commanders sa Tondo at isa sa Pandacan, ay inatasang higpitan ang seguridad sa nasabing selebrasyon.

Umabot sa 300 pulis ang ikakalat sa bawat kalye upang maiwasan ang posibleng karahasan tulad ng away ng mga magkakapitbahay, mga magkakalabang gang, at mapagsamantalang mga indibidwal na maaaring maghasik ng kaguluhan.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Harry Ruiz Lorenzo III, mahigpit na babantayan ng kanyang mga tauhan ang loob at labas ng Sto. Niño Church na malapit lamang sa Moriones Police Station 2, laban sa mapagsamantalang mga indibidwal tulad ng mga mandurukot at snatcher.

Aniya, ang sinomang lalabag sa kautusan ay may katapat na parusang nakalaan. (RENE CRISOSTOMO)

30

Related posts

Leave a Comment