Habang edukasyon, kalusugan ng Pinoy nganga KONGRESO PALDO SA PONDO SA 2025

(BERNARD TAGUINOD)

LUMOBO ng mahigit P50 bilyon ang budget ng dalawang kapulungan ng Kongreso matapos madagdagan ng mahigit pitumpu’t walong bilyon sa bicameral conference committee.

Bukod sa Senado at Kamara ay nadagdagan din ang budget ng Commission on Appointments (CA) habang walang dagdag na naibigay sa Senate Electoral Tribunal (SET) at House of Representative Electoral Tribunal (HRET).

Base sa Bicam report, nadagdagan ng P17.3 billion ang budget ng Kamara sa susunod na taon kaya magiging P33.6 billion na ito mula sa inirerekomenda na Department of Budget and Management (DBM) na P16.3 billion.

Nakakuha naman ng P1.1 billion na dagdag ang Senado kaya magiging P13.930 billion ang kanilang budget sa susunod na taon mula sa P12.8 billion na unang inirekomenda ng DBM.

Nabigyan naman ng P368.5 billion na dagdag ang CA na binubuo ng 12 Congressmen at 12 Senador kaya mula sa inirekomenda ng DBM na 1.3 billion ay magiging P1.684 billion na ang pondo ng mga ito.

Agad namang dinepensahan ng liderato ng Kamara ang idinagdag nila sa kanilang pondo dahil kailangan umano ito para sa patuloy na pagpapaayos sa mga gusali sa Batasan Pambansa Complex.

“Nakikita nyo naman with the modest budget na meron tayo last year eh andaming nabago sa House and this is not, this is not a new facility. This was built in 1980s and if I’m not mistaken a significant part of that increase in the budget of the House goes to improvements in our infrastructure,” ani House assistant majority leader Jude Acidre.

“Sa ngayon meron tayong 300-plus congressmen pero sa totoo lang ho kinukulang din ho tayo ng mga tanggapan para sa mga kongresista. Kinukulang din tayo ng mga tanggapan para sa mga committee meetings. It’s an ever-growing House in terms not only of membership but also in terms of capacities and activities,” dagdag pa nito.

Healthcare Nganga

Samantala, tila inabandona na ng Marcos administration ang pangangalaga sa kalusugan ng sambayanang Pilipino lalo na ang mahihirap na hindi miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth.

Ganito inilarawan ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ang pagbokya sa subsidy ng PhilHealth sa ilalim ng 2024 national budget na nasa opisina na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at nakatakdang pirmahan.

“This is a complete abandonment of the state’s responsibility to provide healthcare for its people,” ani Brosas na posibleng ipapasa sa mga Philhealth members na kinakaltasan ng kontribusyon buwan-buwan, ang inabandonang responsibilidad ng gobyerno.

Isa mga dahilan kung bakit hindi binigyan ng mga miyembro ng Bicameral Conference Committee ng pondo ang PhilHealth ay upang mapilitan ang ahensya na gamitin ang kanilang reserve funds na umaabot ng P600 billion.

Dahil sa naging aksyong ito ng Bicam, sinabi ni Brosas na posibleng maging dahilan ito ng pagtaas ng premium contribution ng mga miyembro at mababawasan pa ang kakarampot na benepisyo.

“Ang mga ordinaryong manggagawa na nga ang nagpapasan ng PhilHealth contributions, sila pa ngayon ang aasahan na tustusan ang kabuuang operasyon nito,” pangamba pa ng militanteng mambabatas.

Subalit ang higit na tatamaan dito ay ang senior citizens, people with disabilities (PWDs) at mahihirap na mamamayan na siyang pangunahing dahilan kung bakit binibigyan ng subsidy taon-taon ang PhilHealth.

Lalong nadismaya si Brosas dahil inilipat ang subsidy ng PhilHealth sa infrastructure projects at financial aid programs na gagamitin lamang umano ng mga politiko para magkaroon ng utang na loob sa kanila ang mga tao.

Samantala, plano rin umano ng isang grupo ng administration congressmen na imbestigahan ang PhilHealth kung bakit hindi ginagastos ng mga ito ang ibinibigay na subsidy sa kanila taon-taon gayung marami ang mahihirap na nababaon sa utang kapag may nagkakasakit sa kanilang pamilya.

Bukod sa PhilHealth, binawasan din ang pondo ng Department of Education (DepEd).

Dumarami ngayon ang dismayado sa resulta ng bicameral conference committee report kaugnay sa pondo sa susunod na taon.

2

Related posts

Leave a Comment