KAYSA pagmulan pa ng kalituhan, abala at kahihiyan sa bahagi ng maniniket na pulis at titiketan, ilang residente sa Caloocan City ang humiling na ibasura na ang Caloocan City Dress Code in Public Places kasunod ng kontrobersya sa pagtiket ng isang pulis sa isang babae dahil sa pagsusuot ng maikling shorts.
Ayon sa mga residente, “panggulo” lamang ang ordinansang ipinasa noong 2007.
“Wala naman pong winter sa Pilipinas, at kapag summer napakainit. Kaya po kami nagso-short at sando, e ‘yun po ang praktikal na gawin. Hindi naman po kami action star na naka-jacket kahit tag-init,” ani alyas Irene, residente ng lungsod.
Noon pang 2019, nilinaw ng pamahalaang lungsod ng Caloocan na layon ng ordinansa na obligahin ang mga residente na manamit nang disente, hindi ang bawalan silang magsuot ng short. (ALAIN AJERO)
128