IRR BAGO IPATUPAD ANG AKAP – TULFO

PABOR si ACTS CIS Representative Erwin Tulfo na magkaroon muna ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ang Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) bago maipatupad ayon na rin sa unang naging pahayag ng isang senador kamakailan.

Ayon kay Rep.Tulfo, tama lamang ito dahil baka masayang lang kapag walang IRR kaya suspendido aniya ang implementasyon ng AKAP.

Sinabi ng mambabatas sa Kapihan sa Manila Bay forum na ideya niya ito para sa mga “working class” at sang-ayon siya kay Senator Imee Marcos na kailangan ang IRR.

Pero paalala ng kongresista, ang AKAP ay binuo bago pa man ang Cha-cha o People’s Initiative (PI) noong 2022 pa.

Nang mga panahong iyon ay wala pa aniya sa radar ang PI o Charter change kaya nagulat ang kongresista nang pumutok sa media na pambayad ang AKAP sa PI.

Naniniwala ang mambabatas na posibleng pulitika ang dahilan ng mga alegasyon dahil malapit na ang eleksyon.

Pakiusap niya, huwag magamit sa pulitika ang AKAP dahil kawawa ang taumbayan na naiipit.

“Pera naman ho ng taumbayan—pera naman po natin lahat yan, ipamimigay ho natin –kapag ka may accusations na ganito –may pinamigay si ganun—ako ho mismo siguro tatayo diyan sa Kongreso at magpoprotesta because it was my brain, it was my idea itong AKAP na ito pero ito po ay para ipamigay dun sa mga working class,” saad ng mambabatas.

Target ng AKAP program ang working class na kinabibilangan ng mga fast food crew, security guard, driver at iba pa na hindi naabot ng ayuda ng gobyerno.

Pagtitiyak ni Rep. Tulfo, hindi gagamitin para pambayad sa PI ang AKAP o hindi ito para sa pulitika.

(JOCELYN DOMENDEN)

95

Related posts

Leave a Comment