ISA pang overpriced na food packs na binili ng Quezon City government ang isiniwalat ni Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor kaya umabot na umano sa P308 milyon ang nawala sa mga residente ng lungsod.
Base sa dokumento na ibinigay ng Quezon City Hall insiders kay Defensor, lumagda umano sa purchase order (PO) si Mayor Joy Belmonte para bumili ng 250,000 food packs na nagkakahalaga ng P287,475,000.
Tulad aniya ng unang biniling food packs ng QC government, ang laman bawat food pack ay P636 lamang ngunit binili ito sa P1,149.98 halaga kaya overprice umano ito ng P513.98.
“Thus, the total overprice for this particular procurement amounted to P128,495,000,” ani Defensor.
Ayon sa mambabatas, ang pangalawang PO na nilagdaan ni Belmonte ay may petsang Nobyembre 23, 2020 at ang supplier ay ang LXS Trading na naka-address sa #1210 Suntrust Capitol Plaza, Matalino St., Central, Quezon City.
Dalawang linggo na ang nakararaan nang isiniwalat ng mambabatas ang walang petsang PO na nilagdaan ni Belmonte para sa pagbili ng 350,000 food packs sa Thyme General Merchandise na may tanggapan sa #32 Batay St., Cubao, Quezon City.
Nagkakahalaga aniya ito ng P402.5 million dahil binili ito sa halagang P1,149.98 bawat pack pero tulad ng pangalawang PO ay nagkakahalaga lamang aniya ng P636 ang laman ng bawat pack kaya overprice umano ito ng P180 million.
“The two procurements for a total of 600,000 food packs were worth P690 million, of which P308 million was the overprice. At P636 per pack, the city government could have bought and distributed an additional 484,000 food packages,” paliwanag ni Defensor.
Kinuwestiyon din ni Defensor kung bakit pinaghiwalay pa ang biniling food pack para sa mga apektado sa COVID-19 pandemic at binantayan naman aniya ito ng mga City auditor.
“As far as I know, the Commission on Audit prohibits this kind of procurement because it does not allow an agency or local government unit to obtain the best price for the government,” ayon pa kay Defensor. (BERNARD TAGUINOD)
