HUMANTONG sa karsel ang isang 58-anyos na lalaking ipinalalagay na lulong sa e-sabong, matapos na basagin ang salamin at pagnakawan ang kotse ng isang kagawad ng barangay sa Valenzuela City para umano may maipambayad sa mga utang.
Swak sa hoyo at nahaharap sa kasong theft ang suspek sa si Robert Leonardo, ng Barangay Bagbaguin, Caloocan City, na natiklo sa follow-up operation noong Marso 23.
Ayon sa pulisya, sa nasabi ring araw, binasag ang salamin at pinagnakawan ng suspek ang Mitsubishi Montero ng biktimang si Jim Ajero, 47, barangay kagawad, habang ito ay nakaparada sa Parada Road, Fortune 5, Barangay Parada, Valenzuela.
Ayon kay Ajero, may nakasaksi sa insidente, at sinabing nabigla siya nang makitang basag ang kaliwang passenger side window ng kanyang sasakyan. Bukod dito ay iniulat ng biktima na nawawala ang kanyang P50,000 cash at identification cards.
Nagsagawa ng imbestigasyon ang mga pulis at natunton ang suspek sa tulong ng closed circuit television (CCTV) camera footage, kung saan malinaw na nakita na si Leonardo ang bumasag sa salamin ng kotse at tumangay sa mga ari-arian ng biktima.
Inamin naman ni Leonardo ang krimen at narekober sa kanya ang P480 cash at iba pang pag-aari ni Ajero gaya ng identification cards, flat screwdriver, tire wrench, USB flash drive, at flashlight.
Ngunit parang bulang naglaho ng P50,000 cash ni Ajero na ipinambayad na raw ng utang ni Leonardo. (ALAIN AJERO)
112