KAIBIGAN INILIGTAS, BINATA NALUNOD

BOHOL – Makaraan ang halos 20 oras na search and rescue operation ng iba’t ibang rescue team, natagpuang wala nang buhay ang 22-anyos na binatang nawala sa dagat makaraang iligtas ang kanyang kaibigan sa bayan ng Alburquerque sa lalawigang ito.

Noong Lunes ng umaga ay narekober ng MDRRMO search and rescue team at ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard ang katawan ng biktimang si Jhon Cyril Tanginan na nawala sa karagatan noong Linggo ng hapon.

Ito ay makaraang tangayin ng malakas na alon ang biktima matapos iligtas mula sa pagkalunod ang 17-anyos na si Ariel Duavis.

Ang dalawa kasama ang lima pang kaibigan, ay naligo sa dagat sa Brgy. Poblacion Weste, Alburquerque.

Ngunit humingi ng saklolo si Duavis na napadako sa malalim na bahagi ng dagat kaya agad itong nailigtas ng biktima ngunit natangay ang huli ng malakas na alon.

Agad nagsagawa ng search and rescue operation ang mga awtoridad subalit kinabukasan ay natagpuang wala nang buhay ang biktima.

(NILOU DEL CARMEN)

270

Related posts

Leave a Comment