‘KOLEKTOR’ NG QC HALL, CIDG INIREKLAMO NG MGA NEGOSYANTE

(JOEL O. AMONGO)

HINDI na nakatiis ang mga negosyante sa Quezon City, inireklamo na nila ang perwisyong dulot ng isang nagpapakilalang kolektor na umiikot sa mga establisimyento tuwing gabi ng Biyernes at Sabado.

Ayon sa nakapanayam ng SAKSI NGAYON na may-ari ng isang establisimyento sa nasabing lungsod, napag-usapan ng kanilang grupo na ireklamo na sa media ang abusadong kolektor na nanghihingi sa kanila ng lagay.

Aniya, tuwing Biyernes at Sabado ng gabi ay umiikot itong si alyas Ryan/James sa mga establisimento sa Quezon City upang kumolekta ng pera.

Si alyas Ryan/James ay nagpapakilalang kolektor ng ilang opisyal ng Quezon City Hall at CIDG kaya kailangan aniyang magbigay sa kanya ang mga may-ari ng mga establisimyento sa nasabing siyudad.

Ipinananakot umano ni alyas Ryan/James na ang hindi magbibigay ng lagay o protection money ay ipasasara nila sa pamamagitan ng kanyang mga amo sa QC Hall at CIDG.

Ayon pa sa source, dahil sa pananakot ni alyas Ryan/James ay napipilitan ang mga negosyante na magbigay ng pera, subalit inaabuso naman sila ni alyas Ryan/James.

Hindi pa umano nakuntento si alyas Ryan/James sa dating halagang ibinibigay sa kanya ng mga establisimyento sa Quezon City ay humirit pa ito ng dagdag o pagtataas ng lagay.

Mula sa dating P350 hanggang P500 sa may apat na mesa na resto bar ay ginawa ni alyas Ryan/James na P1,000 sa loob ng isang linggo.

Sa malalaking establisimyento naman, mula sa dating P3,000 ay ginawa nitong P15,000 sa isang linggo.

Sa gabi ng Biyernes umano ay unang iniikutan ni alyas Ryan/James para kolektahin ang kanilang hinihinging lagay sa mga SPA sa Quezon City.

Sa gabi naman ng Sabado ay pinupuntahan ni alyas Ryan/James ang mga resto bar, malaki man o maliit sa buong Quezon City.

Sa masusing pagtatanong ng SAKSI NGAYON, napag-alaman na hindi lang sa Quezon City humihingi ng lagay sa mga establisimyento itong si alyas Ryan/James kundi maging sa Caloocan City.

Gamit umanong sasakyan ni alyas Ryan/James sa kanyang pag-iikot ang isang Toyota Innova.

Nilinaw naman ng source, na hangga’t maaari ay ayaw sana nilang ireklamo itong alyas Ryan/James subalit umaabuso na ito at hindi na nakuntento sa dati nilang ibinibigay.

“Mahina nga ang negosyo namin ngayon dahil sa hirap ng buhay, humirit pa siya (alyas Ryan/James) ng dagdag, paano na kami at aming mga tauhan? Siya na lang bubuhayin namin?,” pahayag pa ng source.

2

Related posts

Leave a Comment