LOLA NAMATAY SA BIGAYAN NG ‘AYUDA’ SA QC

NASAWI ang 60-anyos na lola habang naghihintay na matawag sa ayuda na ipinamamahagi umano sa headquarters ng isang kandidato sa Quezon City.

Ayon sa mga kaanak ng biktimang kinilalang si Ginang Emelita Deguangco, 60, ng Pink Flamingo Rainbow Homes sa Barangay San Bartolome, Quezon City, nagtungo ang matanda sa San Bartolome headquarters ni QC 5th District Congressional candidate Rose Lin nang mabalitaan na mamumudmod ito ng pera.

Wala umanong kasama ang matanda at pagdating sa headquarters ay pumila ito at naghintay na matawag sa kabila ng matinding sikat ng araw.

Sa dami ng taong dumating ay kinulang sa mga upuan at wala rin umanong ibinigay na tubig kaya posibleng hindi kinaya ng biktima ang matinding init.

Ala-1:45 ng hapon nang isugod sa Novaliches District Hospital si Deguangco gamit ang van ni Lin subalit hindi na ito naisalba.

Una rito ay nag-ikot umano ang grupo ni Rose Lin sa Rainbow Homes 1 para mamigay ng stubs para sa P500 hanggang P1,000 na ayuda.

Matapos umanong makakuha ng Temporary Restraining Order (TRO) mula sa local court si Rose Lin ay nagsimula na itong mag-ikot sa kanyang mga kalugar para mangako at mamahagi ng sinasabing ayuda.

Matatandaang naging kontrobersyal si Rose Lin dahil sa pagkakadawit sa Pharmally scam na inimbestigahan ng Senate Blue Ribbon Committee. (JOEL AMONGO)

124

Related posts

Leave a Comment