LOLO PATAY SA BUGBOG NG APO

PATAY ang isang 81-anyos na lalaki makaraang bugbugin ng apo hanggang sa tumama ang ulo sa pader sa kanilang bahay sa Barangay 770, Sta. Ana, Manila noong Lunes ng gabi.

Kinilala ang biktimang si Jesus Rivera, lolo ng suspek na si Reymart Tanghal alyas “Batotoy”, 27, na mabilis na tumakas makaraan ang insidente.

Base sa ulat na isinumite ni Det. Arvy Macarasig kay Police Captain Dennis Turla, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, bandang alas-8:30 ng gabi nang mangyari ang insidente sa naturang lugar.

Ayon sa testigo na kapitbahay ng maglolo, narinig umano nito ang masasamang binitiwang salita ng apo sa biktima,

Hanggang sa pagbuhatan umano nito ng kamay ang matanda at hindi pa nakuntento ay itinulak ang biktima na tumama ang ulo sa pader.

Idineklarang dead on arrival sa pagamutan ang biktima.

Patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang nasabing suspek.

(RENE CRISOSTOMO)

46

Related posts

Leave a Comment