LONE BIDDER SA 2025 AES, ‘INELIGIBLE’ – COMELEC

SINABI ng Commission on Elections (Comelec) na ang nag-iisang bidder para sa 2025 automated election system (AES) ay “ineligible”.

Ito ay makaraang ideklara ng Comelec Special Bids and Awards Committee ang kauna-unahang “failure of competitive bidding” para sa pagpapaupa ng AES na gagamitin para sa 2025 national at local elections (NLE).

Sinabi ni Comelec spokesperson Rex Laudiangco, ang nag-iisang bidder para sa kontrata, isang joint venture ng Miru Systems Co. Ltd., Integrated Computer Systems, St. Timothy Construction Corporation at Centerpoint Solutions Technologies, Inc., ay hindi nakamit ang mga legal na kinakailangan ng kontrata sa pag-upa na ibinigay sa ilalim ng Government Procurement Reform Act.

Ang unang failure of competitive bidding ay idineklara noong araw ding binuksan ng Comelec SBAC ang proseso ng bidding para sa pag-upa ng Full Automation System with Transparency Audit/Count (FASTrAC) nitong Huwebes.

“Dulot ng ineligibility ng MIRU-ICS-STCC-CPSTI Joint Venture, pati na rin ang pagiging lone bidder nito, ay nagdeklara ang SBAC-AES ng unang failure ng competitive bidding para sa Lease ng FASTrAC para sa 2025 NLE,”sabi ni Laudiangco .

Sinabi pa ni Laudiangco, agad na nagsagawa ng mandatory review ang SBAC sa procurement project pagkatapos ng proceedings, isang requirement sa ilalim ng RA 9184 bago simulan ang ikalawang cycle ng competitive public bidding.

Ayon sa Comelec, maaaring magbukas muli ang SBAC ng bagong bid sa Enero 4, 2023.

Sinabi ni Laudiangco, maaari pa rin namang sumali ang joint venture na pinamumunuan ng Miru, sa ikalawang round ng bidding para sa FASTrAC kapag naayos ang mga “kakulangan at mga depekto” ng kanilang mga dokumento sa bidding.

(JOCELYN DOMENDEN)

164

Related posts

Leave a Comment